By: Shaine Pe
Pormal na lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ang Central Luzon State University (CLSU) para sa pagtatatag ng Sentro ng Wikang Filipino (SWK) sa loob ng pamantasan bilang hakbang sa higit pang pagpapalakas ng wikang Filipino sa larangan ng edukasyon, pananaliksik, at serbisyo publiko.Lumagda para sa panig ng KWF sina Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, kasama si Dr. Carmelita C. Abdurahman, Komisyoner para sa Programa at Proyekto ng KWF.Samantala, lumagda naman para sa panig ng CLSU sina Dr. Evaristo A. Abella, Pangulo ng pamantasan na kinatawan ni Dr. Emmanuel M. Vera Cruz, Vice President for Research and Extension, at si Dr. Baby Jean C. Jose, ang bagong Direktor ng SWK ng CLSU.
Layunin ng kasunduang ito na higit pang mapaigting ang paggamit, paglinang, at pagpapalaganap ng wikang Filipino sa loob ng akademya sa pamamagitan ng iba’t ibang programang pangwika, pananaliksik, at gawaing pangkultura.Sa pamamagitan ng pagtatatag ng SWK, inaasahang magiging mahalagang katuwang ang CLSU sa pagsusulong ng pambansang wika at kulturang Filipino sa rehiyon at sa buong bansa.










